Pahayag ng PCEC Ukol sa Kampanya ng Administrasyon Laban sa Droga

Bilang mga tagasunod at mananampalataya ng Panginoong Hesukristo, kami na bumubuo sa PCEC ay nakikiisa sa marangal na adhikain ng ating Pangulong Rodrigo Roa Duterte na masugpo ang laganap na paggamit ng droga na sumisira sa buhay ng ating mga kabataan at sa maraming mamamayan ng ating  mahal na Pilipinas. Dahil dito, kami ay nalulugod na nasasaksihan ang pagsuko ng napakaraming mga naliligaw ng landas na nagsisigamit ng ipinagbabawal na gamot. Alinsunod sa sinasabi ng Biblia sa 1 Timoteo 2:1-4 na ipanalangin ang lahat ng tao, sila na lugmok sa droga ay aming ipinapanalangin na magbago. Binibigyang-diin din ng nabanggit na salita ng Diyos na nararapat ipagdasal ang mga nasa liderato ng bayan, kung kaya’t aming dalangin sa tuwina ang kabutihan ng ating Pangulo, ng kanyang gobyerno, at ng ating mga kapulisan na nagbubuwis ng buhay upang makamit para sa sambayanang Pilipino ang isang payapa at ligtas na lipunan.

Gayunpaman, kami ay lubusang nababahala sa mga waring labag sa batas na mga pagdanak ng dugo ng ating mga mamamayan na binabansagang “adik,” “pusher,” o sangkot sa iligal na gamot. Lubhang nakababalisa din na marami sa kanila ay pawang mga kabataan lamang na sinapit ang kamatayan sa kalunos-lunos at hindi makataong pamamaraan. Sa mga pagpaslang na ito na kahina-hinala, kami ay napapatanong:  Nasaan ang batas na nagsasabing ang bawat pinaparatangang Pilipino ay dapat munang mapatunayan nagkasala nang walang pag-aalinlangan sa korte bago patawan ng karampatang parusa? Nasaan ang hustisya kung pinapaslang ang mga sangkot sa droga gayong maging ang batas ay ipinagbabawal ang parusang kamatayan? Nasaan ang katarungan at kapayapaan kung nangagsilipana ang mga mamamaslang sa ating bayan? Sukdulan kaming nahahabag sa mga namamatay at sa mga naiwan nilang mahal sa buhay. 

Kung kaya’t nitong nakaraang SONA (Hulyo 25, 2016) lubos kaming nakadama ng pagkagalak at pag-asa sa nasabi ng ating mahal na Pangulo na hindi dapat paghiwalayin ang Diyos at ang pamahalaan. Bilang mga Ebanghelikong Kristiyano, isa sa aming mga pinakamahalagang pinaniniwalaan ukol sa Diyos na naaayon sa Banal na Kasulatan ay ang kaniyang pagmamahal sa lahat ng tao bilang Maylikha ng buhay (Gen. 2:7; 1 Timoteo 6:13). Ito ang dahilan kung bakit ang buhay ng bawat-isa sa atin ay sagrado at nararapat bigyan ng kaukulang pagrespeto. Lahat ng tao ay pantay-pantay sa harapan ng Diyos na mapagkalinga at mapagpamahal, kahit sa mga itinuturing na masama at tiwali (Mateo 5:45; Juan 8:7-11). Wala nang hihigit pang patunay sa pagmamahal ng Diyos sa ating lahat nang ipinamalas ng Panginoong Hesus ang pag-aalay ng kaniyang sariling buhay sa bundok ng Kalbaryo, upang mabigyan tayo ng Diyos ng pag-asa at pagkakataong magbago ang makasalanang sangkatauhan (Juan 3:16; Roma 5:8). Nasasaad din sa 2 Pedro 3:9: “Binibigyan pa niya ng pagkakataon ang lahat upang makapagsisi at tumalikod sa kasalanan sapagkat hindi niya nais na may mapahamak.” Nawa ang mga paniniwalang ito ukol sa sukdulang halaga ng buhay ng tao ay masalamin ng ating mga awtoridad sa pagsupil ng droga.  Sa gayon, mas mabibigyan ang mga nalulugmok ng oportunidad na umahon at lumakad nang naaayon sa wastong batas ng tao, at higit sa lahat ayon sa dakilang batas ng Diyos.

Kaya kami ay nagpapasalamat at aming sinusoportahan ang ating Pangulong Duterte sa mga imbestigasyong patuloy niyang ipinapagawa ukol sa mga nagaganap na pagpaslang sa mga sangkot sa droga. Kami rin ay lubos na umaasa at nananawagan sa ating Pangulo na lalo pang pagtibayin ang proteksyon ng batas para sa mga nasasangkot sa iligal na gamot. Nakikiusap din kami na maging mas mahinahon ang Pangulo sa pagbibigay ng mga babala at panukala sa pagpatay ng tao, sapagkat maaaring ang mga ito ay unawain bilang tahasang pahintulot o pahiwatig na sinusuportahan niya ang pagpatay sa mga nadadawit sa droga kahit ito ay hindi naaayon sa ating mga batas.

Kami ay nananawagan kay Hen. Ronald “Bato” dela Rosa, pinuno ng ating Pambansang Pulisya ng Pilipinas (Philippine National Police), na higit pang pag-ibayuhin ang mga imbestigasyon sa mga kahina-hinalang pagpaslang upang madakip ang mga may sala.  Kami rin ay nanawagan na mabigyan ang ating mga kapulisan ng mga sapat na personal protective equipment upang makatulong sa pagprotekta ng kanilang sarili, at nang sa gayon hindi nila kailanganing patayin ng agaran ang mga tinutugis na nanlalaban sa batas. 

Kami ay nananawagan sa Kagawaran ng Katarungan (Department of Justice) na higit pang sikaping maging pantay, makatarungan at mabilis ang mga paglilitis upang maiwasang akuin ng ating mga mamamayan ang hustisya at ilagay ito sa kanilang sariling mga kamay.  

Kami ay nanawagan sa mga Ebanghelikong Iglesya na lubusang makilahok sa pagtulong at gamitin ang iba’t-iba nilang kakayanan sa paglilingkod upang palaganapin sa kamalayan ng ating mga kababayan ang pagiging sagrado ng buhay ng bawat tao. Nananawagan kami na huwag sangayunan ang mga kahina-hinala at walang-awang pagpaslang sa mga napaparatangan. Panawagan namin na sa panahong ito na marami ang nagwawalang-bahala na lamang sa mga nangyayaring patayan, magsilbi nawa ang mga iglesya bilang asin at ilaw sa ating sambayanan (Mateo 5:13-14).   

Panghuli, kami ay nananawagan sa bawat Pilipino na magkaisa at tulungan pang mapabuti ang sinimulan ng Pangulong Duterte na programa sa pagsupil ng droga. Nawa ay matularan nating mga Pilipino ang “Mabuting Samaritano” (Lukas 10:25-75) na dumamay sa isang taong halos patay na sa daanan upang mabigyan muli siya ng buhay at kinabukasan. Dalangin ng PCEC na magdamayan tayong mga Pilipino at magtulungan upang mapagbago ang ating mga kababayan na nalugmok sa droga. Nawa ay matulungan natin silang maunawaan na ang kanilang buhay ay sagrado at mahalaga, at sa tulong ng Diyos ay maaari silang magkaroon ng buhay na ligtas sa droga, ganap at masagana (Juan 10:10).

“Sumainyo nawa ang pagpapala at kapayapaang mula sa Diyos na ating Ama at sa Panginoong Hesukristo” (Efeso 1:2).

Leave a Reply