PANALANGIN NG BAYAN
Ama naming Diyos na mahabagin at makapangyarihan sa lahat,
Kami po ay tumutugon sa mataimtim na panawagan ng Ama ng aming Bayan, ang Pangulong Rodrigo Duterte, upang ang buong bayan at lahat ng lahing Pilipino, saan man naroon sa mundo, ay dumalangin at hingiin ang awa ng Diyos, na siya ang manguna sa pakikipaglaban upang puksain ang hindi nakikitang kalaban – ang COVID-19.
Aming kinikilala na wala kaming magagawa malibang ikaw ang sa ami’y tumulong. Maraming salamat sapagkat ikaw ay Dios na mabuti, matapat kailanman at maaasahan sa lahat ng panahon. Kami ay nanunumbalik sa iyo aming Dakilang Dios at manglilikha, lumalapit na may buong pananampalataya.
Kami po ay nagpapakumbaba sa harapan ng makapangyarihan at kabanalbanalng Dios, humihingi ng tawad at paglilinis sa lahat ng aming kasalanang nagawa laban sa iyo at doon sa mga bagay na aming nakaligtaang tupadin ayon sa iyong kalooban.
Panginoon, gabayan mo po ang aming Pangulo şampu ng mga itinalagang pamunuuan, ang ‘Inter Agency Task Force’, sa pagpapatupad ng mga layunin upang pigilin ang pagkalat ng COVID-19 sa lahat ng bayan.
Hinihiling po namin ang iyong katalinuhan ang Siyang pumatnubay upang ang bakuna at pinakamabisang gamot laban sa sakit na ito ay madiskubre sa pinakamadaling panahon.
Dalangin po namin ang lahat ng dinapuan ng karamdamang ito ay hipuin ng iyong makapangyarihang kamay tungo sa ganap na kagalingan at kaligtasan.
Ingatan mo po ang mga manggagamot, mga nars, mediko, at lahat ng mga nangunguna sa Labang ito na nakatalaga sa mga ospital at klinika. Nawa ay maipagkaloob sa kanila ang sapat na ayuda, mga kagamitang ‘Personal Protective Equipments’ o PPE, higit sa lahat ay ang dalangin at pasasalamat mula sa taong bayan.
Amin din pong dalangin ang lahat ng tulong pagkain, materyal at pinansyal na inilaan ng aming pamahalaan, ay makaabot ng walang sagabal sa mga kapos-palad, mga nawalan ng hanap-buhay at lahat ng mga nangangailangan.
Dalangin din po na may pasasalamat at patnubay sa lahat ng tao, mga samahang pribado at simbahan na nagaalay ng tulong para sa mga mahihirap at kapus-palad. Kayo po ang patuloy na magpala sa lahat upang patuloy ding dumaloy ang tulong mula sa kanila.
Amin din pong isinasamo sa iyo ang ang sektor pang-ekonomiya, ang mga negosyo, pagawaan, pabrika, tindahan at mga pangalakalan, mga manggagawa at lahat ng naghahanapbuhay, na ngayon ay hikahos at nahihirapan, bigyan mo sila ng sapat na katatagan, katalinuhan at kasiglahan upang mapagtagumpayan ang lahat ng pagsubok.
Hinihiling po namin ang kapayapaan sa isip at damdamin ng buong sambayanan na makiisa at makipagtulungan sa atas ng ‘Enhanced Community Quarantine’ o ‘Lockdown’ upang sama sama naming matagumpayan ang digmaang ito.
Sa wakas, amin pong inaangkin ang iyong Sinabi na –
“Hindi sa pamamagitan ng Kalakasan, ni ng Kapangyarihan, kundi sa pamamagitan na aking Espiritu, sabi na Panginoon”. (Zacarias 4:6).
Ikaw lamang Panginoon, Ikaw lamang ang aming inaasahan upang kami ay magtagumpay sa digmaang ito laban sa COVID-19. Ito ang aming taos pusong dalangin. Sa pangalan ng aming Panginoon at Tagapagligtas na si Hesu-Kristo.
AMEN.
Bishop Noel A. Pantoja
Philippine Council of Evangelical Churches (PCEC)